May 31, 2007

written by my bestfriend best buddy boyfriend. glory be to the King!

Sa mga mkakatanggap ng sulat na ito, i-print mo ito at ibahagi sa
kapatiran, papurihan ang Panginoon sa pag-kilos nya sa lahat ng dako.

Araw-araw, ibat't ibang bagay ang nararanasan naming dito sa Dubai,
isang lugar na malayo sa piling nyo, kakaiba, kagulat-gulat at minsan
ay malungkot na istorya ang naririnig niyo mula dito, subalit higit sa
mga ito, mayroon ding di mabilang na kuwento ng pagpapala ang hindi pa
naisasalaysay sa inyo. Hayaan niyong simulan ko ang kuwento ng di
natatapos na pagpapala ng Diyos sa buhay namn dito.



Maraming magandang bagay sa Pilipinas, kapag nagsipag ka sa trabaho
siguradong may perang darating sa' iyo. Negosyante man o empleyado,
siguradong makakaraos din ang bawat araw mo. Simpleng simple,
pagkatapos ng nakakapagod na trabaho, okay lang kasi pag-uwi mo,
siguradong may pamilyang nag-aabang para sa'yo at salu-salo kayong
kakain ng hapunan. Kapag Sabado o Linggo, pwedeng gumala at magsimba
kasama ang pamilya… Pwede na… Yan ang sabi ko. Di ko na kailangan
umalis ng bansa, simple lang naman ang kinabukasan na gusto ko. Kaya
lang sa tuwing katapusan, isang araw lang nagiging masaya, nagsisimula
ng humarap sa amin ang Bill ng kuryente at tubig, hindi naman
kalakihan ang nakokonsumo namin, kaya lang halos sakto lang sa
kinikita namin para sa bayarin. Maya't maya ay sinisilip ko ang
lagayan ng pera – unti unting nababawasan, nauubos… Ang buong isang
libong papel kapag nabaryahan na, naku! Siguradong mamaya lang ay ubos
na. Kahit kailan hindi kami pinababayaan ng Panginoon, araw-araw
literal naming nararanasan ang pagkilos ng Panginoon. Isang bagay ang
aking napag-isipan. Tanong ng ilang kakilala at kapamilya… "Hindi ka
ba mag-aabroad?" Yan ang tanong nila. 'Hindi pa po, paghahandaan ko po
muna siguro.' Muli kong sinulyapan ang aking taguan ng pera, kinuha ko
at binilang, wala pang sampung segundo tapos na bilang ko, di man lang
nagtagal. Napaisip ako, mukhang wala akong naiipon, hindi naman ako
maluho o palabili. Halos wala pang isang libo ang naitatabi ko sa
mahigit na pitong buwan ngpagtatrabaho ko. Anong nangyari? San na
napunta sweldo ko? Ahhhhhh! Sweldo ko… Sweldo ko san ka nagpunta?!

Alam ko nung mga panahon na yun di ko man makita ang ipon ko na
inaasahan ko, ang katibayan ng pagpapala ng Panginoon ay nakapaligid
nga pala sa buong bahay namin. Sa pamamagitan ng Panginoon at
pagtutulungan namin ng aking ama't ina at kapatid, TV, Ref, DVD at iba
pa ang nagsilbing paalala ng katapatan ng Diyos sa amin. Kahit kailan
laging naisin ng Panginoon sa atin ay young Da Best, laging yung
pinaka… hindi ko lang alam kung bakit natin pinipili lagi yung simple,
yug pwede na… Buti na lang mabait ang Panginoon dahl higit pa sa
inaasahan natin ang nais niyang ibigay sa atin. Binalikan ko ang
tanong sa akin… 'Wala ka bang balak mag-abroad?' Wala pa yung sagot
ko… Minsan pa nag-isip ako at muling sinulyapan ang ipon… wala pa rin…
Nanalangin, nanalangin at nag-abang. Naikwento ko itong pinag-iisipan
ko kay Aiza (Gf). Kinuwento nya nagbabalak siyang mangibang bansa
upang tumulong sa Ate niya para sa pamilya nila. Naisip ko na lang…
buti pa siya… Makalipas ang ilang araw,naisip ko na bakit hindi pa
kaya ako sumabay sa kanya, pwede naman… kahit saan talaga gumagawa ng
paraan ang Panginoon… Tapos na ang pag-iisip, gusto ko ng mag-abroad,
sa Dubai, excited na ako, pati ama't ina at kapatid ko saka si Aiza
excited na… kaya lang… yung… yung… bulsa ko hindi excited, walang
laman, wala talaga, kaya simula naman ng bagong prayer item… 'Lord,
gawan nyo po ng paraan upang magkaroon ako ng pamasahe at pocket money
papuntang Dubai. Nagsimula akong makarinig ng magagandang kuwento
tungkol sa mga trabaho sa Dubai, ang laki daw ng sweldo sa Dubai,
minsan doble, minsan triple ng sweldo natin sa Pinas. Napakaraming
kuwento rin ng mga di pinalad sa Dubai, mga inabot na ng isang taon
wala pa rng pirmihang trabaho at di makauwi sa Pinas. Hindi katagalan,
sumagot ang Diyos at may nagpahiram sa amin ng pera pamasahe at iba
pang kailangan. Kumilos din ang Panginoon at may tumulong sa akin na
kakilala (ngayo'y kaibigan) sa Dubai, sila ang nag-sponsor sa amin ng
Visa at matutuluyan pagdating sa Dubai. Hanggang sa takdang oras ng
pag-alis ko sa Pinas, sari-sari, kaliwa't kanan ang natanggap kong
tulong mula sa mga kaibigan lalong lalo na sa mga kapamiya ko. Damit,
gamot, pera, at makabuluhang mga paalala at higit sa lahat ang mga
panalangin ng mga pamilya ko sa simbahan (TBC), maging ng ilang mga
malapit na kaibigan sa BAFEM.

Hindi lang maleta ko ang punong puno, maging ang puso ko ay
nag-uumapaw sa lahat ng mga pabaon nyo sa amin.

Sa mga gusto mag-break muna, yung gustong uminom o kumuha ng pagkain o
yung mga naiiihi na, sige break time muna tayo bago ko ikwento ang
pagtungtong namin ng Dubai…

Oh, ano? Tapos na? Ang bilis naman… sige tuloy ko na ang kwento…
Ooppss Teka… sabi ng utak ko ikwento ko muna kung saan ako nanggaling
bago ko pagpatuloy ang sulat na ito. Nakaupo ako ngayon sa kama,
nagpapahinga, kagagaling ko lang sa Kish Island sa Iran, nag-exit ako.
Yan ang tawag pagtapos na yung visit visa mo dito sa Dubai at kukuha
ka na uli ng bagong visa mo for 2 months. Pero sa katulad ko,
nag-exit ako para sa Employment Visa ko. Ibig sabihin, pwede na kong
magwork sa Dubai ng maraming taon. (para ito sa kaalaman ng mga nasa
Pinas). Ayan nasabi ko na, itutuloy ko na ang kwento.

Kahit napanuod ko na ang pelikulang Dubai, at tinitigan ko na ang mga
larawan ng mga taong nagpunta sa Dubai, napakaraming bagay pa rin ang
bumubuo sa imahinasyon ko sa hitsura ng Dubai.

(Mapapansin nyong iba na ang daloy ng kwento ko kumpara sa simula ng
sulat na ito.)

Hongkong muna kami bago Dubai. Wow! Ang laki ng Airport ng Dubai, ang
ganda! Ang lawak! Ang saya… Medyo malungkot, malayo na ako sa walang
katulagd na bayan ko, mahal na Pilipinas. First time ko makasakay ng
eroplano, ang sarap ng feeling, di ko nga lang alam ang lasa. Sa loob
ng airport, may ilang Question and Answer Portion parang sa
Immigration sa Pinas. Isang mabilisang panalangin muna bago ako
humarap sa taga-tanong. Tinanong ako! 'What is your name?' Ayos! Buti
na lang alam ko ang pangalan ko. Tinanong yung address ng titirhan ko…
lagot! Di ko kabisado, idinikta na lang sa akin ng sinundan kong
kaibigan. Okay na, WELCOME TO DUBAI. Gabi yata o madaling araw kami
dumating kaya lang ramdam na namin ang init ng panahon dito. May
sasakyang sumundo sa amin mula sa Airport at hinatid kami sa munting
bahay na kasya ang humigit kumulang na 10 tao. Kumain kami at
nagpahinga. Sumunod na araw, nagmagandang loob ang pinsan ni Aiza na
i-xerox kami ng napakaraming Resume na maari naming ipasa sa mga
Company. (Sa katunayan, inaasahan ko na literal na maikukuha agad kami
ng trabaho, subalit di pala ganun, tutulungan pala kami sa paghahanap
ng trabaho, hindi ikukuha).

Araw-araw masipag nilang ipinapasa ang resume namin sa mga fax numbers
na kinukuha namin mula sa Diyaryo at Phone Directory. Kami naman nila
Aiza ay nagpapasa sa pamamagitan ng e-mail dahil ito ang karaniwang
paraan upang makakuha ng trabaho. Nag-walk-in din kami sa iba't ibang
kompanya sa mga buildings. Makalipas ang isang linggo, makakasiguro
ako na lagpas na sa 100 na kumpanya ang napagpasahan namin ng resume.
Nanalangin kami at naghintay, makalipas ang ilang araw ay nakatanggap
ng isang tawag si Aiza para sa interview. Sumabay na 'kami'(kapatid ni
Aiza na kasama rin naming pumunta ng Dubai) sa kanya at nagpasa sa
kalapit kumpanya. Mga ilang linggo pa ay unti-unti na naming
nakasanayan ang buhay dito, mula sa mga kalye, sakayan, bus, taxi, at
amoy ng mga Indiano (Pana) at Pakistan (Pakistani) na nakakasalubong
namin. Sa mga sumunod pang mga araw may mga ilan pang tawag ang
natanggap ni Aiza para sa interview, mukhang puro sa kanya na lang
yata. Bakit wala pa para sa akin. Sa bagay, Magna Cum Laude nga pala
siya. Sumunod, nagkaroon siya ng interview at agarang pinagsimula for
training, ako wala pa din. Walang nagrerespond sa mga pinasahan ko. Ok
lang mahaba pa naman ang panahon. Sinubukan kong magpasa sa kumpanya
na nagte-training si Aiza, kinabukasan pinag-training din ako
pagkatapos ng maikling interview. After two days, wag na raw akong
magtraining. Si Aiza na lang daw. Balik uli ako sa paghahanap ng
trabaho at pag-aabang ng tawag. Si Aiza naman,kahit may training na,
may mga tumatawag pa rin at nagpapasa pa rin siya ng resume. Ng
puntong ito dala ng aking pagka-inip at pagka-inggit, medyo nainis na
ako sa kanya, ang tingin ko noon sa kanya ay sobrang Bibo, lahat ng
interview pinupuntahan, lahat sinusubukan, kahit may training na sige
pa rin ng sige. Napakapursigido niyang makakuha ng mahusay at
maasahang trabaho. Inggit na inggit ako nun. Nalungkot ako at medyo
nanghina, nawalan ng ganang maghanap g trabaho, wala namang nagrerespond.

Ano bang ginagawa ko dito sa Dubai? Bilang ang bawat araw dito na
walang trabaho, mga araw na unti-unti ng nauubos ang pocket money para
sa dalawang buwan. Tama ba ang desisyon kong magpunta sa Dubai? May
kasiguraduhan ba ang kinabukasan ko dito?

Naalala ko ang bahag ng Bible Study namin sa G3 nila Pastor Erwin, isa
sa mga pinakamusay na desisyon sa buhay ay yung desisyon na hindi
sigurado, walang kumpletong plano, planong hindi plantsado. Madalas sa
atin hindi natin pipiliin ang ganitong klaseng desisyon. Mahirap
mangahas, masyadong illogical gawin ang bagay na di mo alam ang
mangyayari. Sinong tao ang tatalon sa isang balon na hindi mo alam ang
hangganan. Technically, hindi pwede ang ganitong klaseng desisyon,
hindi praktikal. Hindi biro ang humiram ng libo-libong pera at umuwi
sa Pilipinas na butas ang bulsa. Ang desisyonh pinili ko, alam kong
alam ninyo na, na di ito lubusang sigurado. Subalit alam na alam ko na
sa butas kong desisyon, may malaking lugar ang Panginoon para
kumilos., gumawa at ipamalas ang walang tigil niyang pagpapala. Ito
ang mahusay na desisyon na maaring kumilos ang Panginoon, sa ating
Pananalangin at pagtitiwala sa Kanya, makakaasa kang ang kinabukasan
mo at ng pamilya mo ay hawak Niya. At bakit nga ba ako malulungkot?
Bakit ako manghihina? Sabi ng pangako ng Diyos, 'Tumawag ka at
diringgin kita, at aking ipapamalas sa iyo ang mga bagay na higit pa
sa inaasahan mo'. Mula sa Pinas, baon namin ang panalangin ng buong
simbahan maging sa mga taga-Bafem may nanalangin, pati aking pamilya.
Sabihin mo sa akin, sinong tatalo sa kapangyarihan ng ating Panginoon.
Pagkatapos mabuksan ang isip ko, kinabukasan nakatanggap ako ng tawag
para sa isang interview. Yehey!! Eto na 'to!Kinuha ko yung address at
pinuntahan ko. Sa interview, british ang nakausap ko sa Advertising
Company. Kaya lang 10 years experience daw ang hanap nila. Tinignan
niya ang ilan sa mga gawa ko, di niya type, parang baguhan daw. So
iyon ang unang interview ko. Ok lang. Mabait naman siyang magsalita at
marahan niyang sinabi… 'you're not the one we're looking for…
goodbye…' Pagkalabas ng building, may tumawag sa akin na intereview
daw. Ngayon na agad. Nang tinanong ko yung lugar, hindi ko alam. Medyo
malayo yata. sabi ko tomorrow na lang. Pumayag naman para daw
makapagtanong ako paano pumunta dun. Kinabukasan nakabihis na ko at
paalis nam tumawag ang mag-iinterview at sinabing wala daw ang
pinaka-mag iinterview sa akin. Nasa Singapore daw at nasa meeting. So
sabi niya next week na lang daw. After 30 minutes, di na siya
nakapagpigil, tinawagan niya ako at siya na daw ang mag-iinterview sa
akin. Muli akong nagbihis at nagdala ng Resume. Oo, ako ang may dala
ng resume, wala siyang kopya ng resume ko at di ko alam kung paano
niya nalaman ang cellphone number ko. Pagdating sa interview, masaya
siya. Tinanong ako kung ako kung ano ang dati kong trabaho, at kung
paano ako nagtatrabaho, sinagot ko ang tanong niya at maya maya
tinanong niya ako kung marunong daw akong tumugtog ng instrumento.
Sabi ko marunong, keyboards at drums. Sabi niya nakita daw niya ang
blog ko sa internet (parang small website) at nakita niya na member
ako ng prais team. (www.portfolio.dave.blogspot.com) sab ko lang Yes.
Pagkatapos nun tinanong ako kung handa akong iwanan ang pag-dedesign.
Sabi ko, ito ang pinakahilig ko pero handa naman akong sumubok ng mga
bagong bagay. Ilalagay daw nya ako sa Marketing Department. Tinanong
niya ako ng inaasahan kong salary, sinabi ko na gusto ko yung gusto ko
at tinapatan niya ng higit pa sa expected ko. Bago matapos ang
interview, magsimula na daw ako ng training for 1 week. Sobrang iba sa
alam kong trabaho pero may mga ilang design pa rin akong ginagawa.
Pagkalipas ng ilang araw, nalaman ko na lang na Born Again pala yung
boss ko, naririnig ko siyang kumakanta ng Christian Song, tinanong ko
kung bakit alam nya yon, sabi nya bakit hindi, 'eh Born Again ako'.
Nang dumating yung pinaka-boss, ininterview uli ako at finally,
official na akong tinanggap sa company. Ng sumunod na araw, pumirma na
ako ng contract. MAY TRABAHO NA 'KO! Sobra ang saya ko, nagpunta na
agad ako sa CR at duon nanalangin.

Mula ng dumating ako sa Dubai, regulatr akong nagsisimba sa Christian
Church. Minsan, nakasalubong ko yung pinaka-boss ko sa company sa may
hagdan ng simbahan. Christian din pala siya, Deacon ng simbahan.
Nagkakuwentuhan kami at masaya siya para sa akin. Balak daw niyang
magkaroon ng Bible Study sa opisina.

Walang katulad mgpala ang Panginoon. Pag nagbuhos Siyam tuloy tuloy.
Dahil sa Marketing Department ako naka-assign, ayon sa contract, ang
position ko sa Company ay Marketing Coordinator, next to the Marketing
Manager. Halos nabisita ko na ang karamihan sa mga major malls in
Dubai, maging sa mga mall sa Abu Dhabi nakapunta na din ako. Major
distributor kasi ng MATTEL toys ang company namin. Toys gaya ng
Barbie, Matchbox, Hotwheels, Power Ranger at iba pa. Itong buwan ng
May ay nagkaroon kami ng Events na Power Ranger Show sa mga malls.
Dalawa sa mga show na ito ay ako ang naging HOST. Sa tulong ng
Panginoon, na-impress lahat ng mga katrabaho maging ang pinaka-bossing
namin. Sabi nila, 'I'm proud of you…'

Hindi ito ang inaasahan kong buhay sa Dubai, di ko inakala na
pagpapalain ako ng sobra. Nag-exit ako sa Iran upang palitan ng
Employment Visa yung Visit Visa k. Napunta ako sa pangit na hotel ng
una, marumi, sira-sira, subalit pinakita lang pala ng Panginoon yon.
Kinabukasan, nalipat ako sa isa sa pinakamagandang hotel sa Iran, at
napakabilis ko na nakuha ang New visa ko. Nandito na uli ako sa Dubai,
patuloy na namamangha sa kadakilaan ng ating mapagmahal na Ama.

Itong kwentong ito ang dapat na malaman niyo dahil ito ang ginagawa ng
Diyos sa buhay namin dito. Marami pang di sguradong mga bagay ang
haharapin ko dito, pero handa na ako, walang tatalo sa Panginoong
Hesu-Kristo.

Sa Panginoon ang lahat ng papuri

Chris

No comments:

listen...

Powered by eSnips.com

OF WORDS AND QUOTES

Word of the Day

Quote of the Day